BAGUIO CITY – Patay ang tatlong katao habang patuloy namang hinahanap ng mga awtoridad ang isang lalaki sa lalawigan ng Apayao kasunod ng malakas na pagbuhos ng ulan na dulot ng northeast monsoon at tail end of a cold front mula pa noong nakaraang linggo.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Jeoffrey Borromeo, Designated PDRRM Officer ng Apayao, sinabi nito na dalawa ang nasawi sa bayan ng Luna: Cresencio Francisco Dimaano Sr., 81, ng Barangay Lappa; at Arjay Mamaril, tatlong taong gulang na tubong-Barangay Calayucay, Luna.
Tinangay ng rumaragasang tubig si Dimaano habang natabunan naman ng gumuhong lupa si Mamaril.
Binawian din ng buhay si Mario Parandit, 30-anyos, ng Barangay Cadaclan, Calanasan matapos tangayin ng tubig kasama ang ama nito na si Galano Parandit na hinahanap naman ngayon ng mga awtoridad.
Sinabi ni Borromeo na naka-red alert pa rin ang PDRRMO ng Apayao dahil sa nararanasan nilang masamang lagay ng panahon.
Aabot na rin sa 94 pamilya o 371 indibidual ang lumikas sa Apayao dahil dito.
Napag-alaman din na 18 tahanan na ang totally damaged habang 14 naman ang partially damaged dahil sa malakas na pag-ulan mula pa noong December 6.
Nagbigay na rin ang provincial government ng Apayao ng relief goods sa mga hard-hit areas gaya ng Calayucay, Luna; Cadaclan at Macalino ng Calanasan.