-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nagpositibo sa COVID-19 ang tatlo sa mga opisyal na dumalo sa kontrobersyal na dayalogo sa Irosin, Sorsogon hinggil sa pagpapatupad ng health protocol.

Maalalang nauwi sa kaguluhan ang naturang aktibidad na nagresulta pa sa pananakit ng isang Board Member.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Provincial Board Member Ed Atutubo, kinumpirma nitong kabilang siya sa mga tinamaan ng sakit kasama ang kapwa board member at maging si Vice Governor Wowo Fortes.

Dahil dito ay kabilang sa isinailalim sa contact tracing ang mga dumalo ng dayalogo noong nakalipas na Lunes at maging ang mga dulamo sa regular session.

Dagdag pa ni Atutubo na pansamantala siyang naka-isolate at hindi nakakaramdam ng malalang sintomas dahil nakataggap na ng COVID-19 vaccine. 

Samantala, sa hiwalay na panayam kay Sorsogon Provincial Information Office Dong Mendoza, sinabi nitong pansamatalang ipinatigil ang COVID-19 Youth Caravan dahil sa pagambang magdulot pagkalat ng virus.