-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Sumuko sa mga pulis ang tatlong mga miyembro ng New Peoples Army (NPA) sa probinsya ng Sultan Kudarat.

Nakilala ang mga rebelde na sina Plag Dalimbang, 35 anyos, Saping Gampong Dumato, 57 at Sumadic Tungkulan Dumato na mga residente ng Barangay Midtungod Senator Ninoy Aquino Sultan Kudarat.

Pormal na tinanggap ni Mayor Randy Ecija at Senator Ninoy Aquino Chief of Police, Captain Noel Delasan ang pagsuko ng tatlong NPA.

Dala-dala ng mga rebelde sa kanilang pagsuko ang kanilang mga armas at bala.

Ang tatlong NPA ay miyembro ng Daguma Front-Far South Mindanao Region na sangkot sa pangingikil sa mga negosyante at mga mayayamang pamilya sa bahagi ng probinsya ng Sultan Kudarat, South Cotabato at Sarangani.

Sumuko ang mga rebelde dahil pagod na sila sa pakikibaka, sobrang gutom ang kanilang nararanasan, mga lider lang nila ang yumayaman at gusto na nilang magbagong buhay.

Nangako naman si Mayor Ecija na tutulungan ang tatlong NPA para muling makabangon at makahanap ng matinong trabaho.