-- Advertisements --

Iniimbestigahan na ng Batangas-Philippine National Police (PNP) kung sangkot ang tatlong napatay na gun-for-hire members sa mga local terrorists group.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Batangas Police Provincial Director Director P/Col. Edwin Quilates, kaniyang sinabi na ongoing ang kanilang background investigation sa tatlong suspek sa ikinasang operasyon ng Sto. Tomas PNP.

Nakatanggap kasi ng report ang pulisya kaugnay sa presensiya ng armadong kalalakihan sa lugar kaya agad silang nagtungo roon.

Dito ay nakipagnegosasyon pa ang mga pulis para sumuko ang mga ito pero nagsisigaw umano ng “Allahuwakbar” at hindi raw sila susuko sabay nagpaputok ng kanilang armas.

Sa ngayon, hindi pa matukoy ng PNP kung miyembro ng local terrorists group na kumikilos sa Mindanao ang tatlong suspek.

Sa kabilang dako, tumanggi muna si Quilates pangalanan ang mga suspek dahil sa patuloy ang kanilang follow up operations.

Tinukoy lang ng opisyal na mga balik Islam ang mga ito o mga dating Kristiyano na nag-convert sa relihiyong Islam.

Kanila rin daw inaalam ang pangalan ng grupo na kinabibilangan ng mga suspek at tinitignan kung sangkot din ang mga ito sa anti-illegal drug operations.

Una rito, halos walong oras tumagal ang stand off.