CAUAYAN CITY – Sinampahan na ng patung-patong na kaso ang tatlong suspek na umagaw sa dalawang motorsiklo at ginahasa ang dalawang angkas na senior high school student na kasintahan ng dalawang tsuper ng motorsiklo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Pol. Captain Felix Mendoza, deputy chief of police ng Diadi Police Station, na ang tatlong suspek ay nahaharap na sa kasong robbery and motornapping with rape.

Galing aniya ang mga biktima sa isang kasalan at pauwi na sa kanilang barangay sa Diadi, Nueva Vizcaya dakong alas-3:00 ng madaling araw, nang harangin sila ng mga armadong lalaki.

Unang kinuha ang kanilang pera at cellphone ngunit nang makita na maganda ang dalawang babae na angkas ng kanilang mga nobyo ay hinila sila sa maisan at ginahasa.

Walang nagawa ang dalawang binata dahil tinutukan sila ng mga baril at pinagbantaang isa-salvage.

Ayon kay Mendoza, sa pamamagitan ng isang witness na naunang nakakita sa mga suspek na dumalo sa kasal ay nakilala sila na mula sa Ifugao at Kalinga.

Hiniling ng mga otoridad na huwag munang banggitin ang pangalan ng tatlong suspek para huwag maapektuhan ang isasagawa nilang operasyon para sila ay maaresto.