Tatlong mangingisda mula sa Daanbantayan, Cebu ang nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Biliran matapos tumaob ang kanilang bangka dahil sa malakas na hangin at maalong karagatan sa bahagi ng Maripipi, Biliran.
Ayon sa ulat, nakita ng ilang crew ng isang resort sa Sambawan Island ang mga mangingisdang palutang-lutang sa dagat habang nagsasagawa sila ng pagbabantay, kaya’t agad silang tumulong gamit ang mga salbabida.
Kinilala ng PCG ang mga nasagip na sina alyas Edgar, Joey, at Denis, pawang residente ng Daanbantayan, Cebu.
Batay sa pahayag ni LTJG Laurito Jr. Rabaya ng PCG District Eastern Visayas, humigit-kumulang 29 oras na nagpalutang-lutang sa karagatan ang tatlong mangingisda bago sila tuluyang nasagip.
Agad namang tumawag ng karagdagang tulong ang mga crew ng resort sa PCG upang masiguro ang ligtas na pagdating ng mga mangingisda sa Maripipi.
Pinuri ng PCG ang mabilis na aksyon at pakikipagtulungan ng mga crew ng resort, na nagpakita ng bayanihan sa gitna ng panganib sa dagat.
Sa kasalukuyan, ligtas na ang tatlong mangingisda at nasa pangangalaga na ng mga awtoridad.
















