-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Patuloy ang hot pursuit operation ng militar sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na nakatakas matapos ang sagupaan sa Virginia, Sto. Niño, Cagayan.

Sa naganap na sagupaan kahapon na tumagal lamang umano ng 5 minuto ay napatay ang 3 matataas na lider ng NPA.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Army Capt. Rigor Pamittan, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division, Philippine Army na napatay sa labanan sina Saturnino Agonoy alyas ‘Peping’, pinuno ng Regional Operations Department ng West Front Committee- Cagayan ng Komiteng Rehiyon ng Cagayan Valley, Mark Canta alya ‘Uno’, giyang pulitikal at Alyas ‘Val’, medical officer.

Si Saturnino Agunoy ay may standing warrant of arrest sa 12 na kaso ng Qualified assualt upon agent of person in authority with murder na may piyansang P120,000 bawat kaso.

Mayroon din siyang kasong arson na may piyansa na P24,000, kasong murder na walang piyansa at kasong rebelyon na may piyansang P200,000.

Nauna umanong nagpaputok ng baril ang rebeldeng grupo matapos na makita ang mga sundalo ng 17th Infantry Battalion Philippine Army na nagsasagawa ng operasyon matapos na matanggap ang impormasyon ukol sa armadong grupo sa lugar.

Ayon kay Capt. Pamittan, tinatayang 20 hanggang 30 na miyembro ng NPA ang nakasagupa ng mga sundalo.

Nakumpiska sa pinangyarihan ng sagupaan ang dalawang Caliber 45; 1 backpack na may lenovo laptop at may charger; 1 Cherry mobile smart phone; 1 USB; mga personal items; backpack na may 12 syringes, 3 IV fluids, bandages, 30 gauze pad at mga subersidong dokumento na may intelligence value.

Sinabi ni Capt. Pamittan na malaking kawalan sa mga NPA ang pagkamatay ng kanilang 3 lider sa harap ng patuloy na paghina ng puwersa ng Kilusang Komunista sa ikalawang rehiyon .