-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Mahigit Php36,000.00 na halaga ng shabu ang nasamsam sa pag-iingat ng tatlong lalaki sa isinagawang magkahiwalay na anti illegal drug buy-bust operation sa Bambang, Nueva Vizcaya.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, dinakip sa NVAT Compound, Barangay Almaguer North, Bamban ang mga pinaghihinalaan na sina John Michael Flores alyas Makol,32 anyos, binata, isang Driver at si Crisenciano Dela Cruz, 22 anyos, isang helper at kapwa residente ng Bambang, Nueva Vizcaya

Nabili umano ng mga kasapi ng Provincial Drug Enforcement Unit sa mga pinaghihinalaan ang isang sachet ng hinihinalang shabu na nakuha sa pag-iingat ng mga suspek.

Nakuha rin sa pag-iingat ng mga pinaghihinalaan ang 9 na small heat sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu, mga drug paraphernalia, pitaka na naglalaman ng pera, isang kaha ng sigarilyo, dalawang android phone at ang minamanehong forward truck;

Samantala, nasamsaman din ng illegal na droga si Romeo Macabadbad, 63 anyos, may asawa, isang, driver at residente ng Bayombong, Nueva Vizcaya.

Nabili umano kay Macabadbad isang sachet ng hinihinalang shabu kapalit ng isang libong piso na nakuha sa pag-iingat.

Karagdagan pang dalawang sachet ng shabu, mga drug paraphernalia, android phone at isang Kotse ang nasamsam sa pinaghihinalaan

Nasa 4 na gramo ng shabu ang nasamsam sa mga suspek na tinatayang mahigit tatlumput anim na libong piso ang halaga.

Ang tatlong pinaghihinalaan ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs act of 2002) na nasa pangangalaga na ng Bambang Police Station.