Hinihintay na lamang ng Bureau of Immigration (BI) ang deportation order ng tatlong puganteng Korean national na wanted sa kanilang bansa dahil sa mga nagawa nilang krimen.

Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, ang tatlong banyaga ay naaresto sa isinagawa nilang operasyon sa Pampanga, Laguna at Metro Manila.

Ang unang suspek ay si Kwon Houkrae, 55-anyos na naaresto sa Angeles City, Pampanga noong Enero 23.

Lumalabas na noong Setyembre 2015 ay nag-hire si Kwon ng hitmen para patayin ang kanyang kasabwat kaya ito inisyuhan ng warrant ng Korean court.

Sa kaparehong araw, naaresto rin ng operatiba ng BI sa Sta. Rosa City, Laguna si Park Iksu, 40 na naisyuhan ng warrant ng district court sa Busan, Korea dahil sa kasong fraud.

Nakakulimbat umano ang suspek sa kapwa niya Korean ng 22 million yen o katumbas ng $18,400 o nasa P1 million sa pamamagitan ng business transaction.

Noong Enero 27, naaresto rin ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI ang 49-anyos na si Bak Hyeon Gi SA loob ng kanyang hotel room sa Malate, Manila.
 
Wanted din ang banyaga sa kasong fraud dahil sa pagtanggap ng P3 million mula sa kapwa Korean kapalit ng pamemeke ng court restraining order pabor sa kanya.

Ang mga suspek ay nakaditine na sa Camp Bagong Diwa, Taguig habang hinihintay ang kanilang deportation.