-- Advertisements --

Bumuwelta sina La Union 1st district Rep. Paolo Ortega V, Zambales 1st district Rep. Jay Khonghun, at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon. sa mga pahayag ni VP Sara Duterte kaugnay ng nalalapit na botohan sa Kamara para sa articles of impeachment laban sa bise presidente.

Nauna rito, sinabi ni Duterte na may ilang umano’y kumikita gamit ang kanyang pangalan at umaasang mapakinabangan din ito ng kanilang mga constituent. Kasunod ito ng mga pahayag mula sa ilang mambabatas na posibleng umabot sa dalawang-katlo ng Kamara ang boboto pabor sa impeachment sa Mayo 11.

Ayon kay Rep Ortega, paulit-ulit na lamang umano ang ganitong depensa ng kampo ni Duterte sa halip na direktang sagutin ang mga alegasyong nakasaad sa articles of impeachment. Giit niya, hindi na ito simpleng intriga kundi usapin na ng ebidensya, pananagutan, at proseso sa ilalim ng Konstitusyon.

Sinabi naman ni Rep Ridon na malaya ang bise presidente na magsalita ngunit tuloy pa rin umano ang impeachment vote sa Lunes. Aniya, nakahanda ang Kamara na ituloy ang proseso laban sa bise presidente, kasabay ng paniniwalang muling ma-impeach ito sa ilalim ng panibagong Kongreso.

Samantala, binatikos din ni Ortega ang umano’y pagpaparatang ni Duterte na pera ang motibo ng mga mambabatas. Ayon sa kanya, mas nararapat umanong sagutin ang mga isyu lalo na’t bilyong pisong pondo ng bayan ang sangkot at marami nang humihiling ng paglilitis upang luminaw ang mga alegasyon laban sa pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa. (report by Bombo Jai)