LAOAG CITY – Arestado ang tatlong indibiduwal sa border checkpoint sa bayan ng Badoc dito sa Ilocos Norte dahil sa pamemeke nila ng kanilang RT-PCR result.
Ayon kay Police Major Joseph Tayaban, ang chief of police ng PNP-Badoc, nagpakilala umano ang dalawang lalaki at isang babae na sila ay empleyado ng OWWA kung kaya’t inimbestigahan nila ito.
Ngunit sa pagbeberipika ng mga otoridad sa national office ng OWWA ay tootong empleyado ang mga tatlong nahuling indibiduwal.
Sinabi ni Tayaban na ang dalawang lalaki ay bus driver, habang ang babae ay HR manager ng isang bus company.
Inihayag pa ni Tayaban na papasok sana sa Ilocos Norte ang mga ito at nang ipinakita nila ang mga dokumento ay dito na nadiskubre na peke ito.
Ito ay dahil ang RT-PCR test result na iprinisenta ay walang bar code at walang seal.
Nabatid na ang mga ito ay galing sa Metro Manila at hindi pa malaman kung ano ang kanilang pakay dito sa probinsya.
Sa ngayon ay nanatili ang tatlong inidibiduwal sa kustudiya ng PNP-Badoc at haharap sa kasong paglabag sa Article 174 of Revised Penal Code o ang Falsification by Private Individuals and use of Falsified Documents.