CENTRAL MINDANAO- Nagkaroon ng landslide sa ilang mga barangay sa Alamada, Cotabato bunsod ng ilang araw na sunod-sunod na pag-ulan.
Ayon kay Alamada Municipal Administrator Allan Singco na kabilang sa mga barangay na nagkaroon ng landslide ay ang Brgy. Bao, Malitubog at Paruayan kung saan labis na naapektuhan nito ang daan sa Mahayahay-Siya siya-Bacolod papuntang Brgy. Bao.
Dahil dito, hindi tuluyang makadaan ang mga residente sa nabanggit na baranggay at naapektuhan na din ang kanilang kabuhayan matapos na hindi din maihatid at maibenta ang kanilang mga produkto sa pamilihang bayan.
Agad naman itong tinugunan ng lokal na pamahalaan ng Alamada at nagpadala sa mga apektadong barangay ng mga heavy equipments tulad ng backhoe at grader upang makapagsagawa ng Clearing operation.
Nagpapasalamat naman ang mga residente nito matapos ang isinagawang clearing operation at hindi tumagal ang kanilang problema na naidulot ng landslide.
Samantala, nagpaalala naman ang LGU-Alamada sa mga mamamayan nito na mag-ingat ngayong panahon ng tag-ulan dahil karamihan sa mga barangay nito ay “landslide prone” area.