NAGA CITY – Bumuhos ang luha sa paghahatid sa huling hantungan ng tatlong magkakapatid na pinatay ng sariling ina sa Camarines Norte.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Victor Samonte, kapitan ng Brgy. Pinagwarasan sa bayan ng Basud, na kahit ipinagbabawal pa ang pagtitipon sa ilalim ng general community quarantine ng kanilang lugar ay marami pa ring dumalo sa paglilibing ng tatlong bata.
Hindi na raw nakaabot ang inang suspek na si Joan Majistrado dahil biglang nanakit ang tiyan nito nang palabas na ng ospital.
Ayon kay Samonte, hindi na papayagang pumunta ng sementeryo ang salarin kahit bumalik na sa ayos ang pakiramdam nito.
Sa ngayon tuloy pa rin daw na sasampahan ng kaso ang suspek na nanay.
Hinihintay na lang ng mga otoridad ang pag-discharge nito mula ospital para ma-turn over sa kustodiya ng Basud Municipal Police.