CENTRAL MINDANAO – Labis ang takot at animo’y katapusan na ng mundo ang naramdaman ng mga residente sa tatlong barangays sa bayan ng Palimbang, Sultan Kudarat nang tamaan sila ng malakas na ipo-ipo.
Hinagupit ng ipo-ipo ang Barangay Milbuk, San Roque at Libuan na malapit lamang sa baybayin.
Ayon kay Renante Calzado na residente ng Brgy Milbuk, nabuo umano ang ipo-ipo mula sa dagat at tumama sa mga kabahayan kasabay ng malakas na buhos ng ulan.
Maraming mga puno, atip ng bahay at mga pananim ang sinalanta.
Wala namang nasaktan ngunit nagdulot ito ng takot sa mga residente ng tatlong Barangay.
Agad din namang nagtulong-tulong ang mga kawani ng Palimbang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Bureau of Fire Protection (BFP) at Katiacap emergency reaction group upang maalis ang mga debris na nakakalat sa lugar.
Namahagi naman ng tulong ang LGU-Palimbang sa mga pamilya na hinagupit ng Ipo-ipo.