Isasaillim sa 48 oras na lockdown ang tatlong barangay sa lungsod ng Maynila.
Batay sa nilagdaang Executive Order ni Manila Mayor Isko Moreno, kabilang sa mga isasailalim sa lockdown ay ang Barangay 60, Zone 5 na sakop ng district 1; Barangay 163 Zone 14 na sakop naman ng district 2 at Barangay 844, Zone 92 na sakop naman ng District 6.
Ang Barangay 163 at 60 ay kapwa sakop ng Tondo habang ang Brgy. 844 naman ay sakop ng Pandacan.
Ang lockdown ay ipatutupad simula alas-12:00 ng madaling araw ng Hunyo 19 hanggang alas-11:59 ng gabi ng Hunyo 20.
Nakasaad pa sa executive order na habang umiiral ang lockdown ay bawal munang lumabas ng kani kanilang bahay ang residente ng mga nasabing barangay.
Maliban na lamang sa mga health workers, mga myembro ng PNP, Armed Forces of the Philippines (AF), Philippine Coast Guard (PCG) at iba pang government frontliners at mga service workers na nagtatrabaho sa mga essential services.
Habang umiiral ang lockdown ay magsasagawa naman ng mass testing sa mga nasabing barangay upang maiwasan ang pagkalat pa ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).