-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Tatlong panibagong kaso ng 2019 coronavirus infectious disease o COVID-19 ang naitala sa Santiago City at Nueva Vizcaya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, kinumpirma ni Dr. Jose Ildefonso Costales, Medical Center Chief ng Southern Isabela Medical Center (SIMC) na ang dalawang panibagong COVID positive ay ang isang med-tech na sumundo sa COVID-19 positive at isang nurse na nag-asikaso.

Ang dalawang COVID-19 patient ay kapwa asymptomatic at naka-confined ngayon sa SIMC.

Sinabi pa ni Dr. Costales na maging ang mga nakasalumuhang health workers ng dalawang pasyente ay naka-admit na rin sa nasabing pagamutan.

Aniya dahil sa frontliners ang dalawa ay isinailim nila sa test at lumabas ang resulta na positive.

Nagsasagawa na rin ng contact tracing ang RESU at provincial health office upang matukoy ang iba pang nakasalumuha ng dalawang pinakabagong COVID 19 positive sa Santiago City .

Samantala, nakapagtala rin ng isang panibagong kaso ang lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Ang panibagong kaso ay isang matanda na residente ng Aritao, Nueva Vizcaya.

Ang pasyente ay naka-confine ngayon sa Regional Trauma and Medical Center sa Bayombong, Nueva Vizcaya.