CAUAYAN CITY – Umabot na sa mahigit 19,000 na baboy ang na-cull sa mga lugar sa Region 2 na apektado ng second wave ng African swine fever (ASF).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Executive Director Narciso Edillo ng Department of Agriculture (DA)-Region 2, sinabi niya na aabot na sa 19,676 ang kabuuan ng mga na-cull na baboy sa tatlong lalawigan.
Pinakamarami ang na-cull sa Isabela pangunahin sa Cauayan City at mga bayan ng Reina Mercedes, Luna, Cabatuan, Roxas Aurora at Quezon na may mahigit 1,000 pataas sa bawat bayan.
Habang ang iba pang bayan ay nasa isang 1,000 pababa ang bilang.
Ayon kay Regional Director Edillo, nananatiling “ASF free” ang Nueva Vizcaya.
Sa lalawigan naman ng Quirino ay apat na bayan ang nakapagtala ng kaso ng ASF, habang lima sa Cagayan at 23 na bayan sa Isabela.
Sa tatlong lalawigan, 288 na barangay ang apektado ng ASF mula sa 35 na bayan at lungsod sa region 2.
Samantala, patuloy ang pagtulong ng DA sa mga naapektuhan ng ASF at ang pagtugon sa mga natatanggap nilang report ng mga naitatalang kaso ng namatay na baboy katuwang ang mga Municipal at Provincial Veterinary Office.
Sinabi ni Edillo na hinihintay pa nila ang pondo mula sa DA Central Office na ipapamahaging ayuda sa mga naapektuhan ng ASF.
Medyo mabagal aniya ang usad ng proseso dahil dadaan pa ito sa Department of Budget and Management (DBM).
Ayon kay Regional Director Edillo, may mga hog raisers na hindi pa nabigyan ng ayuda sa first wave ng ASF sa rehiyon dos.
Ngayon pa lamang sila nag-request ng pondong P2 million para sa unang apat na bayan at isusunod ang iba pang bayan matapos ang isang linggo hanggang makompleto na mabigyan ang lahat.