-- Advertisements --

Isinagawa sa Japan ang unang pagsalang sa sea trial ng ikalawang 97-meter multi-role response vessel (MRRV) ng Philippine Coast Guard (PCG).

Sa pahayag ng PCG, ang nasabing sea trial ay pinangunahan ng Mitsubishi Shipbuilding Co. Ltd. sa karagatan ng Japan.

Naging ligtas at matagumpay ang naturang inisyatibo na layong suriin ang kahandaan ng barko bago tuluyang lumayag pauwi ng Pilipinas sa susunod na buwan at papangalanang BRP Melchora Aquino sa sandaling makomisyon na ito sa serbisyo.

Ayon sa Coast Guard, tulad ng MRRV-9701, ang MRRV-9702 ay mayroon maximum speed na hindi bababa sa 24 knots; endurance na ‘di bababa sa 4,000 nautical miles; at kakayanang magsagawa ng pangmatagalang pagpapatrolya sa West Philippine Sea, Philippine Rise, at iba pang bahagi ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Kung maaalala, February 26, 2022, ligtas na nakarating sa bansa ang MRRV-9701 na pinangalanang si BRP Teresa Magbanua.

Sa suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte at Department of Transportation (DOTr) Secretary Art Tugade, binili ang dalawang 97-meter MRRV mula Japan para lalong palakasin ang PCG sa ilalim ng Maritime Safety Capability Improvement Project Phase II (MSCIP Phase 2) ng DOTr.

Dagdag pa dito, ang dalawang bagong MRRVs ay malaking boost sa kakayahan ng PCG lalo na sa pagsasagawa ng maritime search and rescue, maritime law enforcement, at maging humanitarian assistance and disaster response operations sa karagatan ng bansa lalo na ang exclusive economic zone.