Aabot sa mahigit 2,000 mga pulis ang ipinakalat ng National Capital Region Police Office sa buong Metro Manila para magbantay ng seguridad at kaayusan sa kasagsagan ng ikinasang transport strike ng grupong MANIBELA.
Ayon kay NCRPO chief PBGEN Jose Melencio Nartatez, idineploy ang nasa 2,245 na mga pulis nito sa mga natukoy nilang areas of concern, partikular na sa passenger pick-up at drop-off points sa rehiyon na inaasahang pagkukumpulan ng mga pasaherong maaapektuhan ng naturang tigil-pasada.
Aniya, ang mga ito binabantayan din ng mga kapulisan dahil sa posibilidad ng pag-usbong ng tensyon sa pagitan ng mga tsuper na nakiisa sa Transport strike, at mga drayber na mas piniling mamasada.
Kaugnay nito ay idineploy din ang 871 Civil Disturbance Management contingents, 995 pulis sa mga major thoroughfares, 292 sa mga transportation hubs/terminals, 476 sa commercial areas, 657 sa iba pang places of convergence, at 633 na mga tropa ng Reactionary Standby Support Force.
Samantala, nagdeploy din ang PNP ng 105 na mga asset ng NCRPO na aalalay naman sa mga pasagherong maiipit sa tigil-pasada.
Nasa 88 sasakyan dito ang mula sa limang Police District, habang 17 namang mga sasakyan ang pag-aari ng NCRPO ang dineploy para sa Libreng Sakay na nangsimula nang umarangkada kaninang alas-4 ng umaga.
Bukod dito ay naka-standby din ang mga patrol vehicle ng PNP sa Metro Manila kung sakaling kakailanganin.