BOMBO DAGUPAN- Mahaharap sa kasong Reckless imprudence resulting in homicide ang drayber ng isang bus company dahil sa pagkasagasa nito sa 29 anyos na babaeng nagmaneho ng kanyang motorsiklo sa bayan ng Binalonan, Pangasinan.
Ayon sa ulat ni PCAPT. Erwin Lopez, isang imbestigador ng Binalonan Police Station, kinilala ang nasawing biktima na si Sarah Jane Estimada Paringit, 29 anyos, may live-in partner, may trabaho, may lisensya at residente ng Brgy. Canarvacanan, Binalonan.
Base sa kanilang isinagawang imbestigasyon, binabaybay ng dalawang sasakyan ang hilagang direksyon ng National Highway ng Brgy. Bued, Binalonan, ngunit nabangga ito ng bus dahil sinubukan umano nitong mag-overtake. Nabatid na nakasuot naman ng kaniyang helmet habang nagmamaneho ang biktima.
Inilahad din ni PCAPT. Lopez na sinubukan naman umanong iwasan ng drayber ng bus ang motorsiklo ngunit pagewang-gewang umano ito kaya’t nahagip pa rin ng minamanehong sasakyan.
Dinala ang akusado sa isang district hospital at dito isinagawa ang kaniyang medical at physical examination at kalauna’y dinala na sa kustodiya ng Binalonan Police Station kabilang ang mga sasakyang sangkot para sa kaukulang disposisyon.
Habang ang labi naman ng biktima ay kasalukuyan ng nakahimlay sa isang Funeral Service.