Inaalam na ng Department of Health (DOH) ang dahilan kung bakit maraming returning overseas Filipino workers (OFWs) ang nagpo-positibo sa COVID-19 kahit una silang negatibo pagdating sa bansa.
“Pagbalik nila sa areas nila, doon sila nagpa-positive. Ang sabi ko nga, it’s a point in time lang ang isang test na kapag ti-nest kita ngayon, maaring bukas, sa makalawa ma-expose ka ulit sa disease,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
“So, tinitignan pa rin natin kung ano ‘yung real cause kung bakit. Why is it they turned negative when they got here, but turned positive when they get back to provinces.”
Sa huling tala ng DOH nasa 2,739 returning OFWs ang nag-positibo sa COVID-19 kasabay ng pagdating nila ng Pilipinas.
Mula sa nasabing bilang, isa na ang namatay at 1,690 ang gumaling.
Una nang sinabi ng ahensya na may porsyento rin ng returning OFWs na nag-positibo sa COVID-19 sa naiulat na bagong kaso ng sakit sa mga tinaguriang “emerging hotspots” sa Mindanao.
Bukod sa hanay ng mga umuwing OFW, naging factor din daw sa biglang sulpot ng mga bagong kaso ng sakit sa rehiyon ang mga umuwing locally stranded individuals.










