Aprubado na ng mga bansa na miyembro ng European Union ang five billion euros na military aid para sa Ukraine.
Matapos ang ilang buwang diskusyon, sumang-ayon ang ambassadors ng 27 na bansa ng EU na kunin ang pondo sa European Peace Facility fund sa naganap na pagpapupulong ng organisasyon sa Brussels.
Ayon kay EU foreign policy chief Josep Borell, malinaw daw ang mensahe na gagawin nila ang lahat para suportahan ang Ukraine.
Para naman sa Ukraine, ito ay isang makapangyarihang hakbang para ipakita ang pagkakaisa ng European countries upang makamit ang ‘common victory.’
Inaabangan na raw nila ang magiging pinal na desisyon sa susunod na EU Foreign Affairs Council Meeting.
Samantala, mas pinalakas naman ng Russia ang produksyon ng mga armas-pandigmaan nito lalo pa’t tinutulungan din sila ng bansang Iran at North Korea.
Ayon sa ulat noong 2023 ng isang US official, umabot na ng kalahating milyon ang nasawi at nasugatan sa giyera ng Russia at Ukraine.