BAGUIO CITY – Nagpapagamot pa sa ospital ang 26 katao na kinabibilangang ng mga driver ng dalawang bus na nagbanggaan sa Bisibisan, Supang, Sabangan, Mountain Province kahapon ng hapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay William Arangcudo mula sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council ng Sabangan, sinabi niyang pito sa mga nasugatan ang isinugod sa Bontoc General Hospital habang 18 naman na kinabibilangan ng dalawang drivers ang itinakbo sa Luis Hora Hospital.

Aniya, sa ngayon ay hinihintay pa ng mga awtoridad ang kompletong listahan ng mga pangalan ng mga kataong nasugatan sa insidente.

Ipinaliwanag niya na papunta sana ang GL Trans sa Bontoc, Mountain Province habang patungo naman ang Rising Sun Bus sa lungsod ng Baguio nang magbanggaan ang mga ito.

Nagtamo raw ng minor injuries ang ilan sa mga nasugatan habang major injuries naman ang tinamo ng iba pang biktima.