CENTRAL MINDANAO – Umaabot sa 25 pulis sa lalawigan ng Maguindanao ang nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19).
Ipinag-utos mismo ni Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) regional director B/Gen. Samuel Rodriguez na isinailalim na sa mandatory quarantine ang buong hanay ng pulisya sa Pagalungan, Maguindanao.
Agad namang pinalitan ng PNP Interim Contingent Force mula sa PRO-BAR ang 25 pulis sa naturang bayan.
Sa tinanggap na ulat ni Rodriguez, nahawaan umano ang mga pulis sa Pagalungan ng isa nilang kasamahan na namista sa bayan ng Midsayap, Cotabato.
“We immediately acted on that concern,” ani Rodriguez.
Bumalik uamno sa kanyang trabaho ang nasabing pulis matapos ang pagdiriwang ng pista sa bayan ng Midsayap dalawang linggo na ang nakalilipas at hindi namalayang naipasa pala ang viral disease sa kanyang mga kasama.
Ang PRO-BAR at ang tanggapan ni Dr Amirel Usman, health minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay nakikipagtulungan sa pagbibigay ng pangangalagang medikal sa mga pulis ng Pagalungan na nasa quarantine facility.
Nilinaw naman ni Pagalungan Vice-Mayor Datu Abdila “Abs” Mamasabulod na limang pulis lang ang nagpositibo sa COVID-19 at ang iba ay hinintay pa ang resulta ng kanilang swab test.
Ang LGU-Pagalungan at RHU ay todo suporta sa pangangailangang medikal ng kanilang mga pulis sa bayan.
Sa ngayon ay naka-lockdown ang Pagalungan MPS dahil sa outbreak.