Ligtas nang nakauwe sa Pilipinas ang nasa 25 Pinoy na naapektuhan ng pagtama ng malakas na lindol sa mga bansang Turkey at Syria.
Ito ang unang batch ng ating mga kababayang nakabalik na sa Pilipinas na naapektuhan ng pagyanig ng magnitude 7.8 na lindol mula sa nasabing mga bansa.
Sa ulat, bago makauwe sa bansa ang mga ito ay pansamantala muna silang nananatili sa isang shelter na inihanda ng Philippine Embassy sa Istanbul, kung saan hanggang sa kasalukuyan ay mayroon pang nasa 100 mga Pinoy pa rin na nananatili doon.
Samantala, sa mga darating pang mga linggo ay inaasahan din na makakauwe na sa bansa ang 50 pang mga Pilipino na kapwa biktima rin ng naturang malakas na lindol.
Habang ang ipinadala namang Philippine Inter-agency Humanitarian Contingent naman na ipinadala ng pamahalaan sa Turkey para tumulong sa disaster response doon ay inaasahang darating na sa Pilipinas mamayang gabi.
Ang ipinadalang rescue team ng Pilipinas sa Turkey ay nagawang makapagligtas ng sampung earthquake victims at gayundin ang pagtulong sa isinasagawang search and retrieval operations sa mga nasawi naman sa nasabing trahedya.