Lusot na sa ikalawang pagbasa ang panukalang naglalayong bigyan ng diskuwento ang income tax na babayaran ng nasa 270,000 medical frontliners sa bansa
Sa ilalim House Bill No. 8259 na iniakda ni House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda, bibigyan ng 25% discount ang mga medical frontliners para sa kanilang income tax.
Ito ang unang revenue-negative measure na itinulak ng komite, na ayon kay Salceda ay paraan ng pamahalaan na kilalanin ang serbisyo ng mga medical frontliners sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sinasabing P2.3 billion ang mababawas sa kita ng pamahalaan sa taxable year 2020 sakaling maging ganap na batas ito, pero sulit naman dahil mahihikayat ang mga medical professionals na maging frontliners sakto sa pagdating ng mga bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Salceda, kulang para sa kanilang pagiging bayani ang COVID-19 special risk allowance at compensation kapag tinamaan o mamatay ang isang medical frontliner dahil sa sakit na ito sa gitna ng pandemya sa ilalim ng RA 11494 (Bayanihan 2).
Sakop sa income tax discount ang mga nagbibigay ng health-related services at mga nagtatrabaho sa pampubliko at pribadong ospital, clinics o medical institutions na gumagamot sa mga tinamaan ng COVID-19.
Kabilang dito hindi lamang ang mga doktor at nurses kundi pati ang mga administrative employees, support personnel at staff ng mga medical institutions.










