-- Advertisements --
image

Kinumpirma ng Manila Electric Company (Meralco) na umabot din sa apat na milyon nilang mga customers ang pansamantalang nakaranas ng power interruptions sa kanilang franchise area noong kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Paeng.

Gayunman sa ngayon, bumaba na umano ang mga apektadong kunsumidores na wala pang kuryente na nasa 24,000 o 0.6% na lamang.

Karamihan sa mga ito ay mga residente na nagmula sa lalawaigan ng Batangas, Bulacan, Cavite, Laguna, Metro Manila, Rizal, at Quezon province.

Sa paliwanag pa ng Meralco inuuna daw muna ang pag-patrol o inspeksiyon, pag-aayos ng main lines, lalo na ang mga critical facilities tulad ng mga hospitals, mga sangay ng gobyerno na tumutulong sa mga nasalanta hanggang sa makarating sa bawat bahay.

Tiniyak na lamang ng kompaniya na walang tigil ang gagawin nilang restoration efforts para maibalik na ang suplay ng koryente doon sa mga wala pa rin sa lalong madaling panahon.

Sa parte naman ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) una na nitong iniulat na dalawang transmission lines ang hindi pa rin gumagana.

Kabilang na rito ang linya sa La Trinidad-Sagada 69kV Line, at ang Pitogo-Mulanay 69kV Line.

Gayundin apektado rin ng nagdaang bagyo ang Nagsaag-Binga 230kV Line 1.

Iniulat din ng NGCP na nag-deploy na sila ng 35 line gangs o katumbas ng halos 300 personnel at apat na mga choppers upang magsagawa ng pag-inspect at pag-assess sa naging impact ng bagyo sa kanilang operasyon at mga pasilidad.