CAUAYAN CITY – Dinakip ang 24 na tao sa Tumauini, Isabela at Santiago City dahil sa paglabag sa Enhanced Community Quarantine.
Sa Tumauini, Isabela, labintatlong katao na mula sa Brgy. Lalauanan ang dinala sa himpilan ng Tumauini Police Station dahil sa paglabag sa ipinapatupad na Liquor Ban at Enhanced Community Quarantine.
Ang mga hinuli ay sina Junel Estabillo, 40-anyos, Daniel Mark Corpus, 21-anyos, Denrey Cabacungan, 27-anyos, Nailmark Cabacungan, 22-anyos, Juan Garcia, 63-anyos, Glen Roy Cabacungan, 27-anyos, isang 26-anyos na babae, isang 17-anyos na lalaki, tatlong 16-anyos na lalaki, isang 15-anyos na lalaki, at isang 13-anyos na babae, na pawang residente ng Brgy. Lalauanan Tumauini, Isabela.
Nagpapatrolya ang mga kasapi ng Tumauini Police Station para sa ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine nang makita ang mga nahuli na nagpipiknik sa Pinacanauan River sa Balug, Tumauini, Isabela.
Ilan sa kanila ay umiinom pa ng nakalalasing na inumin habang ang ilan ay wala ring quarantine pass.
Dinala ang mga hinuli sa nasabing himpilan ng pulisya para sa kaukulang disposisyon.
Samantala, dinakip din ang limang katao matapos makitang nagpipiknik at walang maipakitang quarantine pass sa tabing ilog ng Cagayan River sa San Mateo, Tumauini, Isabela.
Ang mga hinuli ay sina Danilo Tagao, 22-anyos, binata, isang 16-anyos na lalaki, isang 15-anyos na lalaki, at dalawang 20-anyos na dalaga, pawang residente ng San Mateo, Tumauini, Isabela.
Nagpapatrolya ang mga kasapi ng Tumauini Police Station nang makita ang mga nahuli na nagpipiknik sa tabing-ilog.
Hinuli ang mga ito at dinala sa kanilang himpilan dahil wala silang maipakita naquarantine pass.
Sa lunsod naman ng Santiago, dinakip din ang anim na katao matapos maaktuhang nag-iinuman sa Brgy. Buenavista.
Ang mga pinaghihinalaan ay sina Stanley Abalos Castro, 28-anyos, may asawa, Alvin Dominic Narag, 21-anyos, may asawa, isang 21-anyos na dalaga, Danilo Dela Cruz Santos, 25-anyos, binata, construction worker, Daniel Lagera Tucay, 27-anyos, binata, helper at Jose Salvador Dulay, 33-anyos, binata, driver pawang residente ng Purok 2, Mabini, Santiago City.
Naaktuhan ng mga Barangay Tanod ng Brgy. Buenavista ang mga pinaghihinalaan na nag-iinuman sa tabing-ilog.
Sinabihan nila ang mga ito na itigil na ang pag-iinuman at umuwi na subalit hindi sila nakinig at pinagsabihan pa ang mga barangay tanod ng mga hindi magagandang salita.
Humingi ng tulong sa pulisya ang mga barangay tanod na agad naman nilang tinugunan kaya naaresto ang mga pinaghihinalaan.
Dinala sa himpilan ng pulisya ang mga pinaghihinalaan para sa masusing imbestigasyon at dokumentasyon.