Wala pang alam ang legal department ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) kaugnay sa ipinadalang notice ng Department of Justice (DOJ).
Ito’y kaugnay ng 24-hours deadline para kompletuhin ang mga missing information sa isinampang sedition case laban kay Vice President Leni Robredo at iba pang kasamahan dahil sa “Ang Totoong Narcolist” videos.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay PNP-CIDG legal officer Atty. Joseph Orsos, kaniyang sinabi na wala pa itong alam kaugnay sa nasabing order ng DOJ panel.
Tiniyak naman ni PNP spokesperson Pol. B/Gen. Bernard Banac na tatalima ang PNP-CIDG sa ipinag-utos ng korte na ibigay ang kompletong addresses na pinangalanan sa sedition case upang maipadala sa mga ito ang subpoena.
“The PNP CIDG will endeavor to comply with the order of the DOJ to supply said missing information particularly addresses of all named in the sedition case. This is to enable DOJ facilitate service of subpoenas to all respondents,” ani Banac sa Bombo Radyo.
Una nang inihayag ni DOJ spokesperson Usec. Mark Parete na napansin kasi ng Panel na hindi nakalagay ang kompletong address ng mga respondents sa inihaing complaint ng CIDG dahilan para mahirapan ang mga ito padalhan ng subpoena.
Kahapon nang ipinadala ng DOJ ang order sa PNP-CIDG sa Camp Crame.
Idinepensa rin ni PNP Chief Oscar Albayalde ang paghingi ng legal advice ng CIDG sa office of the Solicitor General.
Nilinaw ni Albayalde na hindi ang taga-OSG ang gumawa ng affidavit ni Peter Joemel Advincula alyas Bikoy na siyang ginamit na basehan para sampahan ng kasong sedition si Robredo at iba pa.










