Muling nakapagtala ang Philippine National Police ng pagtaas ng bilang ng mga kaso ng cybercrime sa bansa sa unang bahagi ng taong 2024.
Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng PNP Anti-Cybercrime Group, mula noong buwan ng Enero hanggang Marso 2024 ay aabot na sa kabuuang 4,469 na mga insidente ng cybercrime sa bansa ang kanilang naitala.
Mas mataas ito ng 21.84% kumpara sa 3,668 na mga insidente ng naturang krimen na naitala sa fourth quarter ng nakalipas na taong 2023.
Ayon kay PNP-ACG chief MGen. Sidney Hernia, karamihan sa mga kasong ito ay kinabibilangan ng online selling scams na nakapagtala ng 990, sinundan naman ng 319 na mga kaso ng investment scams, at 309 din na mga kaso ng debit/credit card fraud, at marami pang iba.
Sabi ni Gen. Hernia, ang lumalawak na paggamit ng mga online platforms para sa shopping, financial transactions, at investment opportunities ay bumubuo sa mas malaking bilang ng mga potential targets Para sa mga cybercriminals.
Dahil dito ay patuloy ang ginagawang komprehensibong training, seminars, at lectures ngayon ng kapulisan para sa kanilang mga personnel na itinalaga sa cybercrime desks upang mas hasain pa ang kanilang mga kakayahan at palalimin pa ang kanilang mga expertise na makakatulong naman para matiyak ang mas ligtas na online environment.
Kaugnay nito ay muli ring nagpaalala ang PNP sa publiko partikular na sa mga netizens na palaging maging vigilante sa pagsasagawa ng online activities upang maiwasang mabiktima ng ganitong uri ng mga krimen.