-- Advertisements --

Patay ang hindi bababa sa 21 katao, habang 19 naman ang nasugatan, matapos maaksidente at masunog ang isang pampasaherong bus malapit sa lungsod ng Nassiriya sa Iraq nitong Linggo.

Ayon sa mga awtoridad, nawalan umano ng kontrol ang driver habang bumibiyahe sa isang highway. Dahil dito, tumagilid at tumaob ang bus bago ito tuluyang nagliyab.

Kinumpirma ng mga pulis at health officials na 21 katao ang nasawi, habang 19 ang nasugatan na agad isinugod sa ospital. Karamihan sa mga sugatan ay nasa kritikal na kondisyon dahil sa matitinding paso sa katawan.

Iniutos naman ni Iraqi Prime Minister Ali al-Zaidi ang agarang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng trahedya. Pinag-uulat din niya ang mga kinauukulang ahensya tungkol sa buong pangyayari.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang malaman ang eksaktong dahilan ng aksidente.

Karaniwan umano ang mga aksidente sa kalsada sa Iraq dahil sa mabilis na pagpapatakbo ng sasakyan, sirang mga kalsada, at kakulangan sa pagpapatupad ng mga batas trapiko.