Ligtas nang nakabalik sa Pilipinas ang 13 Pilipinong tripulante na sakay ng M/V MSC Sariska V na tinamaan ng mga projectile habang papaalis sa Port of Umm Qasr sa Iraq noong Hunyo 1, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).
Agad silang inilikas ng mga awtoridad sa Iraq matapos ang insidente at dumating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 sakay ng Philippine Airlines.
Ayon sa DMW, naisagawa ang kanilang repatriation sa pakikipag-ugnayan sa may-ari ng barko, licensed manning agency, at Embahada ng Pilipinas sa Iraq.
Sinalubong naman sila sa paliparan ng mga kinatawan ng DMW, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), medical team ng Manila International Airport Authority (MIAA), kanilang manning agency, at New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC).
Bukod sa airport assistance, sumailalim din ang mga seafarer sa medical evaluation at nakatanggap ng pinansyal na tulong. Inayos na rin ang kanilang pag-uwi sa kani-kanilang mga lalawigan.
Isinailalim din sila sa komprehensibong medical at psychosocial counseling ngayong Sabado.
















