VIGAN CITY – Inanunsiyo na ng Commission on Elections (Comelec) ang petsa ng pagsisimula ng overseas voter registration para sa May 2022 elections.
Sa mensaheng ipinadala sa Bombo Radyo Vigan ni Comelec Spokesman James Jimenez, magsisimula umano ang nasabing voter registration sa December 16 at magtatapos sa September 30, 2021.
Magtatagal ang nasabing voter registration sa loob ng halos 21 buwan at dahil dito, naniniwala ang poll body na sapat na ito upang makapagparehistro ang lahat ng mga Pilipinong nasa ibang bansa na gustong makilahok sa halalan dito sa Pilipinas.
Ayon kay Jimenez, hindi umano magbabago ang nauna nang mga requirement para sa overseas voter registration kung saan dapat ang mga aplikante ay mayroong valid Philippine passport at kung wala naman, kailangang ang aplikante ay mayroong certification mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) bilang patunay na ito ay isang overseas voter.
Noong nakaraang registration period para sa May 2019 midterm elections, umabot sa halos dalawang milyong registered voters ang naitala ng poll body at umaasa silang sa susunod na halalan ay madagdagan pa ang bilang ng mga ito dahil sa pinalawig na overseas voter registration period.