CAUAYAN CITY – Tiniyak ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) na handang-handa na ang mga atleta ng Pilipinas na sasabak sa 2019 South East Asian (SEA) Games na gaganapin sa bansa mula November 30 hanggang December 11, 2019.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Edward Kho, spokesman ng PATAFA, sinabi niya na kung sa usapin sa pisikal na lakas ay nasa 40 percent nang handa na ang kanilang mga atleta.

Sumasailalim aniya sa maigting na pagsasanay ang mga atleta sa kanilang training camp sa Pangasinan bilang paghahanda sa pagsabak nila sa 2019 SEA Games.

Ayon pa kay Mr. Kho, tuluy-tuloy ang pagsasagawa nila ang screening para sa iba pang mga atleta na maaaring mapabilang sa Philippine team upang itayo ang bandera ng bansa sa pakikipagtunggali sa mga atleta ng iba pang mga bansa sa Timog Silangang Asya.