Isinasapinal na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang repatriation sa halos 200 Pilipino na stranded sa Macau dahil sa novel coronavirus disease (COVID-19).
Ito ang kinumpirma ni DFA Usec. Brigido Dulay bilang tugon sa sitwasyon ng mga kababayang apektado ng outbreak ng sakit.
“Iyan ang inayos natin ngayon para ang ating mga kababayan na gustong makauwi ay makauwi na… Before the weekend ends, they will be back to the Philippines already,” ani Dulay sa isang ambush interview.
“Marami sa kababayan, hindi natin alam kung ano trato sa kanila sa ibang bansa so this is the best and most direct flight that we can get for them,” dagdag ng opisyal.
“’Yun gagawin natin before the weekend is over. Uuwi na sila lahat so before the weekend ends they are all back in the Philippines.”
Kabilang sa mga uuwi bago mag-weekend ang 148 overseas worker, turista at undocumented workers na sasakay sa isang chartered flight.
May 48 din umanong miyembro ng OWWA na uuwi lulan naman ng commercial flight.
Sa March 11 magtatapos ang quarantine ng higit 400 repatriates ng Diamond Princess cruise ship, pero hindi tulad sa kanila, home quarantine lang ang ipapatupad sa mga dadating galing Macau.