DAGUPAN CITY – Inilapit ng mga nasa 200 mga negosyante sa City Prosecutor Office ng San Carlos ang kanilang reklamong investment scam ng isang kompanya sa lalawigan ng Pangasinan.
Ang mga biktima ay nagmula sa siyudad ng San Carlos at Bayambang kung saan ay pinangakuhan sila ng isang investment company ng profit mula sa pera na kanilang i-invest sa kanila.
Ayon kay Atty. Michael Bautista, isa sa mga abugado na humahawak sa naturang kaso, ang naturang scam ay isang uri ng gold scheme kung saan ay ginamit ang Facebook upang mag-promote at mag-solicit ng public funds at ipinangako ang return of investment sa mga ito.
Aniya, mag-aalok umano ang mga suspek ng investment slot kung saan sa una ay mahihikayat ang mga biktima sa isang investment dahil may makukuhang income dito.
Hanggang sa magtitiwala umano ang mga ito na mas mag-invest at kalaunan ay hindi na naibabalik ang pera ng mga ito.
Ayon kay Atty. Jan Lester Fernandez, isa sa mga abugado na humahawak sa naturang kaso, tinatayang P200 million ang nakulimbat ng mga suspek.
Kaya naman isa sa maaari nilang ihahain na kaso sa mga ito ay ang syndicated estafa na may paglabag sa Article 315 ng Revised Penal Code in relation to PD 1689.
Bukod pa rito, dahil sa paggamit ng social media site na Facebook, maari din silang sampahan ng paglabag sa RA 10175 o Cybercrime Prevention Act.
Sa panig naman ni Atty. Francis Abril, isa rin sa mga abugado na humahawak sa naturang kaso, napag-alaman na walang permit para magsagawa ng naturang investment ang inirereklamong kumpanya batay na rin sa ibinigay na dokumento ng Security and Exchange Commission.
Bukod sa pagpanalo sa aspetong sibil nais din ng mga abugado sa kaso na mabawi ang pera na nakuha ng mga suspeks sa mga negosyante na na-scam.
Ngayong araw ay nadinig na ang naturang kaso at hinihintay na lamang ang magiging pasya ng hukuman sa nabanggit na insidente.