-- Advertisements --

Dinagdagan pa ng Metro Rail Transit (MRT-3) ng isang train set ang bilang ng mga pinatakbo nitong tren ngayong unang araw ng general community quarantine sa National Capital Region (NCR).

Sa ngayon, 20 set ng tren na raw ang nabiyahe mula North Avenue station sa Quezon City papuntang Taft Avenue station sa Pasay City, at vice-versa.

Binubuo ito ng 17 CKD train sets at tatlong Dalian train sets. Nasa anim na minuto naman ang pagitan sa paghihintay bago dumating ng susunod na tren sa kada istasyon.

“Magkakarga ang bawat train sets ng 153 na pasahero, na mayroong 51 na pasahero kada train car. Tatakbo rin ng mas mabilis ang mga tren mula 30kph hanggang 40kph at mababawasan din ang headway o oras sa pagitan ng mga tren mula sa 9.5 minuto pababa sa anim na minuto.”

Ayon sa MRT-3, noong March 2017 pa nang huli silang magpatakbo ng 20 train sets sa kanilang mainline.

Mahigpit na ipinatutupad ng kompanya ang social distancing sa mula sa pila ng pagpasok sa istasyon, hanggang sa pagbabayad at pagsakay ng mga pasahero sa mga tren.

Alas-5:30 ng umaga tumulak ang unang biyahe ng MRT-3 mula sa parehong Taft Avenue station at North Avenue station.

Magsasakay naman para sa last trip ang tren nang 9:10pm sa North Avenue, habang 10:11 sa Taft Avenue station.