Ininspeksyon ng mga enforcer ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang 20 modern public utility jeepneys (MPUJ) sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa Caloocan City at Quezon City sa gitna ng mga ulat ng overloading at iba pang paglabag.
Sa isang pahayag, sinabi ng ahensya na apat sa mga ininspeksyon na pampublikong sasakyan ang natagpuang overloaded habang walo ang driver na hindi nakasuot ng prescribed uniform.
Apat na iba pa ang nahuli dahil sa may sira na break light, dalawa dahil sa hindi pag-post ng fare matrix, isa dahil sa hindi pag-post ng “No Smoking” sign, at isa dahil sa hindi pagpapakita ng Certificate of Public Convenience o CPC card.
Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board Chairman Teofilo Guadiz III, pinagmulta ang lahat ng mga nahuli na modern public utility jeepney ng tig-P5,000 dahil sa paglabag sa Memorandum Circular 2011-004 ng Joint Administrative Order 2014-01.
Dagdag niya, hinihikayat umano ng ahensya ang lahat ng mga driver at operator ng mga pampublikong sasakyan na sundin ang mga patakaran at regulasyon upang maiwasan ang abala lalo na sa kanilang mga pasahero.
Una na rito, inihayag pa ni Guadiz na mas marami pang surprise operation ang isasagawa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa mga susunod na araw.