-- Advertisements --

Isinusulong ni House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda na mabigyan ng 20-percent discount ang mga Barangay Health Workers (BHWs).

Amiyenda ito sa inaprubahan ng kanyang komite na proposed Magna Carta for BHWs, na magbibigay lang sana ng 10 percent discount at VAT exemptions sa medical needs ng mga BHWs.

Ang proposed ammendment ni Salceda na gawing 20 percent ang diskuwento ng mga BHWs ay hindi lamang para sa kanilang medical needs kundi para sa iba pang gastusin tulad ng sa pangkalusugan at transportasyon, at puwede rin gamitin sa hotels, restaurants, sinehan, burial at death care expenses.

Ayon kay Salceda, pagkilala na rin ito sa social obligation ng mga BHWs, na karamihan ay hindi naman nababayaran ng sapat sa kabila ng peligro na kanilang sinusulong sa gitna ng pandemya.

Sa ngayon, sa ilalim ng Administrative Order No. 36, ang mga nabibigyan lamang ng benepisyo tulad ng special risk allowances ay ang mga BHWs sa mga ospital, laboratoryo, o medical at quarantine facilities.

Ang bagay na ito ang dapat aniyang iwasto ng Kongreso at palawakin para sa kapakanan na rin ng mga BHWs na nagbubuwis ng kanilang buhay sa panahon ng pandemya.