-- Advertisements --

Usap-usapan ang lumalabas na ilang impormasyon na nakakuha na umano ng video footage ang team ni Direk Joyce Bernal para sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito’y matapos maging usap-usapan noong nakaraang linggo na sila ay hinarang sa Sagada, Mt. Province at gayundin sa Banawe sa Ifugao, dahil sarado pa ang mga nasabing tourist spots na sinasabing epektibo laban sa coronavirus pandemic.

Pero base sa report ng Sunstar Baguio, kinumpirma ni La Trinidad Mayor Romeo Salda na natuloy ang shooting sa Mt. Yangbew na may 15 hanggang 30 minuto lang na layo mula sa sa Baguio City at makikita ang 360-degree view sa mga lambak.

Una rito, damay din sa kontrobersya ang mga aktor na sina Piolo Pascual na nakapabigay na ng kanyang paliwanag, at si Bela Padilla.

Sa panig ni Bela, iginiit nito na agad siyang umuwi mag-isa nang malaman na isusunod pala ang SONA footage matapos ang kanyang naunang taping.

Bela last

Nasa listahan kasi sina Piolo at Bela sa kumalat na authorization letter na kabilang sa production preparation sa panglimang SONA ni Pangulong Duterte sa darating na July 27.

Sina Padilla at Pascual ay kapwa mula sa ABS-CBN na hindi nabigyan ng panibagong prangkisa.

Kung maaalala, ang nasabing award-winning romantic comedy director din ang nanguna sa mga angle shots sa SONA ni Pangulong Duterte sa nakalipas na dalawang taon.

Bago si Bernal, ang batikan din na si Brillante Mendoza ang naging direktor sa unang dalawang SONA ni Pangulong Duterte.