Iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na nakapagtala muli ito ng mas mababang aktibidad ng Bulkang Mayon sa gitna ng patuloy na pag-aaboroto nito.
Ito ay matapos na makapagtala ang kagawaran ng dalawang volcanic earthquakes at 306 rockfall events sa Bulkang Mayon, mas mababa ito sa pitong volcanic earthquakes at 309 rockfall events na una nang naitala sa nakalipas na mga araw./
Bukod dito ay bumaba rin sa tatlo ang pyroclastic density current events na nairehistro sa nakalipas na 24 na oras sa aktibong bulkan.
Sa ngayon ay nananatili pa ring “inflated” ang edipisyo ng bulkan, habang nakataas pa rin ang Alert Level 3 dito.
Kaugnay nito ay iniulat din ng PHIVOLCS na naglabas din ang Bulkang Mayon ng 193 toneladang sulfur dioxide.
Naobserbahan din ang “very slow” effusion ng lava mula sa summit ng bulkan at ang plumes na may taas na 700 meters na dumausdos naman sa direksyong hilagang-kanluran.
Samantala, patuloy naman ang paalala ng PHIVOLCS sa publiko na hindi muna pinapayagan ang pagpasok sa anim na kilometrong radius ng Permanent Danger Zone ng Bulkang Mayon, habang ipinagbabawal din muna ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa nasabing bulkan.