-- Advertisements --

KALIBO, Aklan— Nakakulong na sa himpilan ng pulisya ang dalawang suspek sa panggagahasa at pagpatay sa Slovak tourist na natagpuan na lamang na walang buhay at nasa karumal-dumal na kalagayan noong Marso 12, 2025.

Kinilala ang mga suspek na sina Rajel Lacorte, 29-anyos ng Sitio Diniwid, Brgy. Balabag, Malay at Ronald Claud Saron, 38-anyos ng Brgy. Yapak sa isla ng Boracay na itinuturing din na Top 3 Most Wanted sa Municipal Level at Top 1 naman sa Provincial Level.

Sa inilabas na pahayag ni PCapt. Aubrey Ayon, tagapagsalita ng Aklan Police Provincial Office, ang dalawa aniya ay naaresto sa pamamagitan ng bisa ng warrant of arrest sa kasong rape with Homicide na may Criminal Case No. 18076 na inilabas at nilagdaan ni Hon. Montalid Polines Patnubay Jr., Presiding Judge, Regional Trial Court, 6th Judicial Region, Branch 9, Kalibo, Aklan na may petsang Oktubre 17, 2025.

Dagdag pa ni PCapt. Ayon na walang inilaang pyansa ang korte para sa pansamantalang kalayaan ng dalawang akusado na natukoy na responsable sa karumaldumal na kamatayan ng 23 anyos na Slovak national na si Michaela Mickova na natagpuan na lamang na walang buhay at walang saplot pang-ibaba sa abandonadong kapilya dalawang araw matapos na nawala ito noong Marso 10, 2025 na layon lamang nito sa Boracay na dumalo sa kasal ng kaniyang kaibigang Pinay.