-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Patuloy na tinutugis ng tatlong team ng pulisya at militar ang nasa 30 miyembro ng Sub-Regional Committee 5 ng New Peoples Army (NPA) na naghahasik ng kaguluhan sa ilang bayan ng western side ng Misamis Oriental.

Namataan ang presensiya ng mga rebelde sa bulubunduking bahagi sa bayan ng Naawan na agad nirespondehan ng 1st Special Forces Batallion ng Philippine Army.

Dito na nagkaroon ng palitan ng putok na nagresulta sa pagkasugat ng dalawang sundalo.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Misamis Oriental Provincial Police Office Spokesperson Lt. Theofratus Pia na sa ilang minuto na bakbakan ay nadaplisan ang dalawa sa mga sundalo bagamat nasa ligtas ng kalagayan.

Inihayag ni Pia na nais umanong iligtas ng mga rebelde ang kanilang squad leader na unang naaresto ng pulisya nang ma-corner sa engkuwentro sa lalawigan noong nakaraang linggo.

Dagdag ng opisyal na muling nadala ng militar at pulisya ang engkuwentro sa bahagi ng Initao kaya napilitan ang ilang mga pamilya na makisilong sa pasilidad ng poblacion kahit umulan at sobrang dilim noong nakaraang gabi.

Maggunitang napatay ng PNP-Misamis Orietal ang isang miyembro ng NPA habang isa pa ang naaresto kaya pabalik-balik sila sa bahagi ng lalawigan upang ipaghiganti ang sinapit ng kanilang mga kasamahan.