Sumalang na sa interview ng Judicial and Bar Council (JBC) ang dalawang mahistrado ng Supreme Court (SC) na nais maging susunod na punong mahistrado ng kataas-taasang hukuman.

Kasunod na rin ito ng pagreretiro ni SC Chief Justice Lucas Bersamin sa Oktubre 18.

Unang sumalang ngayong umaga si SC Associate Justice Diosdado Peralta.

IMG 20191002 123031

Ilan sa mga inilatag nitong nais ipatupad kapag nabigyan ng pagkakataong maging punong mahistrado ang paggamit ng teknolohiya para mapaganda pa ang serbisyo ng Korte Suprema, ang pag-monitor sa performance ng mga korte, pagpapatibay sa court admin at revised rules of court.

Maliban dito, nais din niyang matugunan ang backlogs sa mga kaso sa mga korte.

Nais din niyang mapaganda ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa mga criminal cases bilang resulta ng continuous trial rule na inumpisahan noong September 2017 at ang plea bargaining sa mga drug cases.

Pabor din si Peralta sa planong pagbuo ng marshal system na nasa ilalim ng SC para matugunan ang mga kaso ng pagpatay sa mga abogado, judges at prosecutors kung saan aabot na sa 35 ang namatay mula noong 2016.

Sunod na sumalang si Associate Justice Jose Reyes, Jr. na pinakabata sa apat na aplikante.

Screenshot 2019 10 02 12 30 08 49

Ang reporma namang nais ipatupad ni Reyes ang pagbuo ng Judicial Integrity Board para matugunan ang concerns sa judicial misconduct, judicial education na nakasentro sa ethical values at morals at orientation program para sa mga bagong appellate justices.

Ikinokonsidera rin umano ni Reyes ang pagsasagawa ng Bar Exams sa tatlong area.

Partikular dito ang Manila, Cebu at Davao.

Pero isa naman umanong basic consideration dito ang budget.

Mamayang alas-2:00 ng hapon, sasalang naman sa interview sina Associate Justices Estela Perlas Bernabe at Andres Reyes Jr.