Arestado na ng mga tauhan ng Valenzuela Police ang dalawa sa anim na suspek sa pagpatay sa isang lalaki sa Valenzuela nitong Oktubre.
Ayon kay Valenzuela Chief of Police Col. Fernando Reyes Ortega, nailabas na ng Korte ang warrant of arrest laban sa 6 at nahuli na ang 2 sa pumatay kay Luigi Hernando na isang company messenger at collector.
Ito ay sina Police Corporal Michael Castro na nag AWOl at Edgar Batchar na look out sa krimen.
Patuloy naman na tinutugis ng Valenzuela Police ang iba pang mga suspeks na sina Rico “Moja” Cubos na gunman, Narciso “Tukmol”Santiago ang rider, at ang sinibak na pulis na si Patrolman Anthony Cubos at Jo-anne Cabatuan.
Robbery with homicide ang kinakaharap na kaso ng mga suspek.
Matatandaan na nitong October 9, pinagbabaril ang biktimang si Hernando.
Base sa kuha ng CCTV footage, sakay ng motorsiklo ang biktima at binabaybay ang Paso de Blas nang biglang lapitan ng isang motorsiklo na may dalawang sakay.
Bumunot ng baril ang isang gunman at binaril ang biktima hanggang sa matumba ang motorsiklo.
Bumababa ng motorsiklo ang dalawang suspek at kinuha ang bag ng biktima.
Tinangay din ng mga salarin ang motorsiklo ng biktima.
Samantala, sinabi naman ni PNP Chief Police General Debold Sinas na malaking tulong ang CCTV footages sa pagresolba ng krimen.