-- Advertisements --

Matapos ang preliminary investigation kahapon as pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera, dalawa sa mga suspek ang binawi ang kanilang naunang testimonya.

Ayon kay Atty. Abigail Portugal, nagkaroon daw ng mental torture at misrepresentation kaya nagsalita ang kanyang mga kliyenteng sina John Paul dela Serna at Rommel Galido na mayroong involve na droga.

Pero ayon sa dalawa, ang mga pulis umano ang nagsabi na mayroong sangkot na droga sa insidente bagamat bigo naman ang mga itong tukuyin ang naturang pulis pero ayon kay Portugal ang Makati police mismo ang nag-pressure sa kanyang mga kliyente.

Sinabi na ni Portugal na abogado nina Dela Serna at Galido, Gregorio De Guzman, Clark Rapinan, at Valentine Rosales na negatibo raw sa drug test ang kanyang mga kliyente.

Sina Dela Serna, Galido, De Guzman, Rapinan, and Rosales ay naghain na ng counter-affidavit sa provisional complaint ng PNP na rape at homicide.

Muli namang magsasagawa ang Makati court ng preliminary investigation sa Enero 27 dahil bigong magsumite ang PNP ng ilan pang mga dokumento.

Ayon sa city prosecutors office ng Makati, kabilang sa mga hindi pa naisumite ng PNP ang DNA, toxicology, chemical analysis, histopath examination.