Reading Time: 1 minute

NAGA CITY – Ginawaran ng Medalya ng Kadakilaan ang dalawang pulis na binawian ng buhay matapos nakaengkwentro ang mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa bayan ng Bato, Camarines Sur noong nakaraang linggo.

Personal na binisita ni PBGen. Arnel Escobal, Regional Director ng Police Regional Office (PRO5), ang burol ng mga pulis na sina PMSgt Sotero Javier at Pat Prince Lagdameo.

Sa panayam kay Escobal, sinabi nitong maliban sa tulong sa mga naulilang pamilya ng naturang mga pulis, bibigyan din aniya ng full military honors ang libing ng mga ito.

Ayon kay Escobal, inalerto na rin aniya niya ang mga police stations lalo na sa kanilang kampanya laban sa mga rebeldeng grupo.

Kung maaalala, nakasagupa ng kapulisan ang tinatayang nasa 18 miembro ng mga rebelde kung saan napuruhan ang dalawang pulis habang patay din ang umano’y informant ng mga ito.