-- Advertisements --

Nakatakda nang ipa-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang puganteng Korean national na sangkot sa kasong fraud sa kanilang bansa.

Ayon sa mga operatiba ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI ang Koreanang naaresto ay si Ban Jaeyob, 56, na sangkot sa fraud, illegal confinement at pamemeke ng mga dokumento maging extortion sa South Korea noong nakaraang taon.

Nahuli ito sa isang condominium sa Ortigas, Pasig City sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng ating mga otoridad sa Korean authorities at PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Eastern Police District.

Una rito, may inisyu na ring warrant of arrest kay Ban mula Seoul Central District Court sa Korea.

Samantala, naaresto rin ng BI ang 55-anyos na si Bang Yoonjik sa Cainta Rizal na wanted din sa kanilang bansa dahil sa fraud.

Mayroong arrest warrant laban kay Bang na inisyu ng Seoul Seobu District Court sa Korea noong August 2020.

Nagpanggap daw ang suspek na isang financial institution counselor ng isang call center at nakakulimbat ng mahigit P3 million sa kanyang mga bikitma na kapwa Koreans.

Sinabi naman ni BI Commissioner Jaime Morente, na maliban daw sa pagiging pugante ay undocumented din umano ang dalawang Korean national.

“Apart from being wanted fugitives, they are considered undocumented aliens as their passports are already being revoked by Korean authorities. We will not allow these fraudsters to use the country to escape their crimes.  We will deport them and bring them to justice, so they may face the consequences of their actions,” ani Morente.

 Sa ngayon nakakulong ang suspek sa BI warden facility sa Bicutan, Taguig.