DAVAO CITY – Matagumpay na nabuwag ng kapulisan ang isang drug den at nahuli rin ang nagmamay-ari nito sa isinagawang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office XI kasama ang Malita Municipal Police Station sa Brgy. Poblacion, Malita, Davao Occidental.
Ang target ng nasabing operasyon ay ang nagmamay-ari ng drug den na kinilalang si Rodrigo Rodriguez alyas Rolly, 68-anyos, Job Order Employee sa LGU Davao Occidental at residente sa nasabing lugar.
Nahuli ang suspek matapos na positibong mabilhan ng police poseur buyer ng isang pakete ng shabu na nagkakahalaga ng P15,000.
Sa nasabing operasyon, nahuli rin ang dalawang mga public school teachers na kinilalang sila si Isabel Tanggo at Haren Fel Tagose na nahuli sa aktong nagsasagawa ng pot session sa loob mismo ng drug den.
Narekober mula sa posisyon ng mga nasabing guro ang dalawang heat sealed transparent plastic sachet ng shabu na may timbang na 11 gramo at street value na P165,000, mga drug paraphernalia at buy-bust marked money.
Patong-patong na kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isinampa sa tatlong indibidwal.