Hindi na nakaligtas pa ang dalawang pilotong sakay ng eroplano ng Philippine Air Force na bumagsak sa bahagi ng Sitio Tabon, Barangay Del Rosario sa Pilar Bataan.
Ito ang kinumpirma ng tagapagsalita ng hukbo na si Col. Maria Consuelo Castillo sa panayam ng Bombo Radyo Philippines.
Aniya, isang SIAI-Marchetti SF260 fixed wing aircraft ang bumagsak sa nasabing lugar na nagmitsa sa buhay nina Captain Ian Gerry C. Paulo at Captain John Paulo Oviso na kapwa servicemen ng Philippine Air Force.
Hanggang sa mga oras na ito ay nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon sa naturang insidente upang alamin ang naging dahilan ng pagbagsak nito.
Samantala, bukod dito ay sinabi rin ni Castillo na lubos na ikinalulungkot ng buong hukbong himpapawid ang nangyaring ito ngunit tiniyak nila na magpapatuloy sila sa pagtupad sa kanilang tungkuling pagbigay serbisyo sa ating bansa.
Ang SIAI-Marchetti SF260 ay isang fixed wing aircraft na ginawa noong taong 1994 at unang ginamit ng Philippine Air Force Flying School para sa kanilang military pilot training.
Ni-reconfigured bilang isang attacked aircraft noong early 2000s na ginamit din ng hukbo para sa kanilang internal securities at disaster relief operations sa Marawi.
Kung maaalala, batay sa inisyal na ulat na inilabas ng Pilar Municipal Police Station, bandang 10:40 ng umaga naganap ang naturang insidente.
Ayon sa mga nakakita, mabilis ang pagbagsak ng nasabing eroplano sa bukirin ng Sitio Tabon, Baranggay Del Rosario, sa Pilar, Bataan.